Kahit tatlong beses naka-save ng penalty kick si Mark James Jones ng Manila Montet FC, niratrat pa rin sila ng isang nagbabagang Davao Aguilas FC sa iskor na 6-0 sa kanilang paghaharap sa Philippines Football League nitong Linggo ng hapon sa Rizal Memorial Stadium.
Pinangunahan ni Ibrahima N’dour ang Aguilas nang makagawa sya ng hat-trick, o tatlong goals sa isang laro, matapos maka-iskor ng penalty kick sa unang half at dalawang goals pa nung pangalawa, kasama na dyan ang isang worldie na galing pa sa gitna ng football pitch.
Kasabay ng nagpupuyos na panahong aabot sa heat index na 45 degrees Celsius, pinaulanan kaagad ng Aguilas ang Montet ng mga sipa sa unang minuto ng laro pero hindi lang talaga sila makahuli ng isang shot on target dahil sa matibay na depensa ng Montet, hanggang naparusahan ang mga naka-asul ng penalty noong ika-25 na minuto dahil sa isang pangit na tackle ni Vincent Gavino.
Nahulaan ni Jones ang penalty kick ni Yusuke Unoki at naitulak pa nito ang bola pakanan bago nakuha ni Unoki ang talbog at hinatid pa ang bola sa goal para ibigay sa Aguilas ang kalamangan. Dinoble ng Aguilas ang lamang ng isang penalty na naman ang naibigay dahil sa isang foul, na kung saan naka-iskor si N’dour bago mag-halftime.
Ginalingan pa ng Aguilas ang kanilang laro sa second half at nag-eksperimento pa sa kanilang pasahan at team chemistry habang komportableng pinagharian ang midfield, na nagbunga sa pangalawang goal ni N’dour sa ika-50 na minuto at nakumpleto pa ang kanyang hat trick matapos samantalahin ang nakaabanteng si Jones at tinapon ang bola galing sa halfway line para maging 4-0 ang laban.
Kahit tambakan na ang iskoran, sinamantala pa rin ng Aguilas ang walang hugis na depensa ng Montet at naparusahan ulit sila ng penalty noong ika-79 na minuto dahil sa isang foul kay Kart Talaroc sa loob ng penalty box. Nahulaan ulit ni Jones ang penalty ni Talaroc pero di na naman nito nakita ang rebound na nagbunsod ng ika-5 na goal ng Aguilas.
Binigyan pa ng isa pang pagkakataon si Unoki, na nagmintis na rin ng penalty sa laro ng Aguilas kontra Mendiola noong nakaraang dalawang linggo lamang, para mabawi ang kanyang penalty noong unang half nang nabigyan ng isa pang penalty ang Aguilas sa ika-90 minuto ng laro.
Ngunit pinatunayan ni Jones na kaya niyang makipagsabayan sa mas magagaling na manlalaro ng liga nang na-harang nya ulit ang pangalawang penalty kick ni Unoki at kinumpleto ang kanyang hat trick ng mga penalty saves. Hindi siya natulungan ng kanyang depensa at nahuli ni Unoki ang libreng header kaya naging 6-0 ang huling iskor ng laro.
Kitang-kita sa stats mula sa Matchday Media ang pagiging dominante ng Aguilas kontra sa isang naghihingalong Manila Montet FC, nang nakapagtala ang Aguilas ng 70% possession kontro sa 30% ng Montet at 31 total na attempts in goal at 19 na shots on target kontra sa iisa ng Manila Montet FC.
Maglalaro ulit ang Davao Aguilas FC kontra Philippine Army FC ngayong Mayo 4 sa Rizal Memorial Stadium para iparamdam ang kanilang presensya sa mga koponang naghahari sa liga, habang patuloy naman ang iniindang sugat ng Manila Montet sa pinaka-ibaba ng liga at lalaban ulit sila kontra sa Mendiola FC 1991 sa kaparehong lugar na nakasaad.